CAGAYAN DE ORO CITY – Dalawa pang pasyente na unang nag-positibo sa Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) ang namatay habang naka-confine sa Amai Pakpak Medical Center ng Marawi City, Lanao del Sur.
Ito ang kumpirmasyon ni Lanao del Sur Integrated Provincial Health Office head Dr. Alinader Minalang kaugnay sa usapin.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Minalang na mayroong travel history ang dalawang babae at nahawaan ang mga ito ng virus habang nasa Metro Manila na sila.
Dahil dito, pumalo na aniya sa tatlong pasyente na nadapuan ng COVID-19 ang binawian ng buhay sa kanilang pagamutan mismo.
Nabatid na nasa anim ang positibong kaso ng COVID ang hawak ng probinsya at kabilang dito ang anak na babae ni Patient No. 40 na unang nasawi habang ginagamot sa Northern Mindanao Medical Center sa Cagayan de Oro City noong Marso 14, 2020.
Kung maalala, naka-lockdown ang buong Lanao del Sur kasama ang Marawi City dahil sa mataas na banta ng nakakamatay na virus.