-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Matapos na masungkit ang Guiness World Record sa pinakaunang title sa World’s Largest Folk Dance, asam naman ng lalawigan ng Sorsogon ang pag-uwi ng dalawa pang records.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Sorsogon Provincial Tourism head Bobby Gigantone, mismong si Governor Chiz Escudero umano ang nagpaplano sa dalawa pang record attempt na nais makuha sa loob ng tatlong taong pamumuno.

Hindi na muna ibinahagi ni Gigantone ang iba pang detalye ng naturang plano subalit tiniyak na masusi itong paghahandaan kagaya ng “Pantomina sa Tinampo.”

Mabusisi umano ang naging paghahanda kung saan uniform ang sapin sa paa na yari sa abaca hanggang sa isinuot na camisa chino habang maigi rin dumaan sa rehearsal ang 7, 127 dancers.

Pinasalamatan naman nito ang mga local chief executives sa 14 na bayan at isang lungsod na aktibong nakilahok sa nilalayon.

Nitong Huwebes ng gabi nang pormal na ianunsyo ng Guiness adjudicators mula sa London kasabay ng Grand Finale ng Kasanggayahan Festival ang pagkasungkit ng record.