-- Advertisements --

Dalawa pang mga health workers ang binawian ng buhay dahil sa COVID-19 nitong nagdaang linggo.

Batay sa datos na inilabas ng Department of Health (DOH), umakyat pa ang 78 ang kabuuang bilang ng mga medical frontliners na namatay dahil sa virus.

Lumobo naman sa 14,257 ang kabuuang kaso ng mga dinapuan ng coronavirus sa mga health workers makaraang madagdagan ng 423.

Habang ang mga gumaling naman mula sa COVID-19 ay umabot na sa 13,858 matapos na makapagtala ng 378 bagong recoveries.

Nasa 321 naman ang mga aktibong kaso na patuloy na sumasailalim sa treatment o quarantine.

Ayon sa DOH, mga nurse ang karamihan sa mga kinapitan ng COVID-19 na pumalo sa 5,082; sinundan ng mga doktor, 2,319; nursing assistants na may 1,078; medical technologists na may 724; at midwives na may 486 kaso.

Kabilang din sa tally ang nasa mahigit 600 non-medical personnel, na kinabibilangan ng mga utility workers, security guards, at administrative staff.