Isinailalim ng Quezon City government sa special concern lockdown ang dalawang lugar sa lungsod matapos tumaas ang naitatalang mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa isang pahayag, sinabi ni Assistant City Administrator Alberto Kimpo na ang nasabing mga areas ay ang 138 Ermin Garcia St. at 52 Imperial St. na kapwa matatagpuan sa Barangay E. Rodriguez.
Mula raw kasi sa dalawang aktibong kaso, sumipa sa 15 ang naitalang COVID-19 cases sa lugar matapos isailalim sa eneral community quarantine ang Metro Manila.
Paliwanag pa ni Kimpo, ang naturang hakbang ay kasunod na rin ng pagberipika sa hiling ng barangay kapitan ng lugar, maging ang QC Epidemiology and Surveillance Unit (QC-ESU) at iba pang mga barangay officials.
“Due to the seriousness of the situation, we immediately put these places under SCL, and seek the national government’s concurrence,” wika ni Kimpo.
Sinabi naman ni Dr. Rolly Cruz, head ng QC-ESU ng QC Health Department, magsasagawa raw sila ng rapid diagnostic testing (RDT) sa mga residente sa darating na Lunes.
“Confirmatory tests will follow once we get the RDT results,” paliwanag ni Cruz.
Samantala, pinag-iisipan din ng city government na isailalim din sa special concern lockdown ang Cadena de Amor St. sa Barangay Central matapos maitala ang tatlong nagpositibo sa COVID-19 sa dalawang bahay.
“The patients are under home quarantine and have been swabbed for confirmatory testing,” ani Kimpo.
Sa kasalukuyan, ang Sitio Militar sa Barangay Bahay Toro, Calle 29 sa Barangay Libis, at Kaingin Bukid sa Barangay Apolonio Samson ang nananatili sa special concern lockdown.