LEGAZPI CITY – (Update) Isinasailalim rin sa mahigpit na surveillance ang dalawa pang mall sa lungsod ng Legazpi matapos magbenta ng prok products mula sa mga bansa na may outbreak ng African Swine Fever (ASF).
Una nang narekober ang nasa 1,400 canned goods na luncheon meat at jamonilla na inangkat mula sa Vietnam at may market value na mahigit P300, 000 mula sa isang mall sa lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay City Veterinarian Dr. Emmanuel Estipona, mismong ang distributor ang umamin sa mga operatiba na inutusan ng supplier na takpan ang label ng naturang mga produkto na mula sa Thailand.
Nagbabala rin si Estipona sa management ng mga malls na maging maingat sa mga ibinebentang produkto.
Sakop ng national law ang pagbabawal sa mga prok products mula sa naturang bansa, kaya posibleng national government na ang magsampa ng kaso kung magkataon.
Kumuha rin ng sample ang opisina na ipinadala sa central office upang makumpirma kung positibo sa ASF ang naturang mga canned goods.
Maghihintay aniya ng dalawang linggo bago malaman ang resulta ng naturang eksaminasyon.