Ginawaran na rin ng Food and Drugs Administration (FDA) ang dalawa pang ospital ng Compassionate Special Permit (CSP) para gamitin ang anti-parasitic drug na Ivermectin bilang gamot laban sa coronavirus disease.
Ayon kay FDA Director-General Eric Domingo na may kabuuang limang ospital na ang binigyan ng CSP para gumamit ng Ivermectin.
Ang konsepto aniya ay kung may isang pasyente na nahihirapan dahil sa sintomas na dulot ng nakamamatay na virus ay maaaring ibigay ng doktor ang naturang investigational drug sa kanyang pasyente.
Ang sinumang doktor o medical institution ay maaaring mag-apply ng CSP dahil 48 oras lang ang kailangan nilang hintayin para maaprubahan ito basta’t kumpleto ang mga requirements na hinihingi ng FDA.
Binigyang-diin naman ni Domingo na ang compassionate permit na ito ay hindi magsisilbing registration o permit para ibenta ang Ivermectin sa merkado.
Hindi man daw maituturing na iligal, ngunit nilinaw nito na animal-grade version lang ng Ivermectin ang inaprubahan na gamitin sa bansa habang ang human-grade version ay for topical use lamang.
Sa loob ng ilang buwan ay naging mainit ang debate tungkol sa Ivermectin dahil nagtatalo ang mga kritiko at sumusporta sa pagiging epektibo nito laban sa nakamamatay na virus.
Ilang doktor at pasyente na ang nagapahyag ng suporta sa paggamit nito pero nagbabala naman ang FDA at Department of Health hinggil sa gamot.
Ilan sa mga umamin na uminom ng Ivermectin ay sina dating senador Juan Ponce Enrile at Senate President Vicente Sotto III.