KALIBO, Aklan — Nadagdagan pa ng dalawa ang listahan ng mga paaralan sa Aklan na kasali sa pilot implementation ng limited face to face classes simula sa Lunes, Disyembre 6.
Ayon kay Dr. Miguel Mac Aposin, Schools Division Superintendent ng Department of Education (DepEd)-Aklan, kabilang sa mga magsasagawa rin ng in-person classes ay ang Banga Elementary School para sa Kindergarten at Grade 1 hanggang Grade 3 at Malinao School For Philippine Craftsmen para sa Grade 11 at 12.
Pasado aniya ang naturang mga paaralan sa iba’t ibang safety assessment na isinagawa ng kagawaran at Department of Health (DOH).
Bahagi sila ng 177 na paaralang idadagdag sa pilot study ng limited face-to-face classes.
Nabatid na matagumpay na naisagawa ang harapang mga klase sa Laserna Integrated School sa Nabas, Aklan na sinimulan noong Nobyembre 15.
Kumpiyansa si Dr. Aposin na mapalawak pa ito sa susunod na taon dahil sa magandang resulta ng pilot run.