Kasalukuyang nagrerekober na ang 2 Pilipinong isinugod sa ospital matapos maaksidente dahil sa pagbaha sa United Arab Emirates.
Ayon kay DMW officer-in-charge Hans Leo Cacdac, panandaliang nanatili sa intensive care unit (ICU) ang 2 Pinoy subalit kasalukuyan na itong nagpapagaling.
Dinalaw na rin ng mga opisyal ng Migrant workers office doon ang mga nasugatang Pilipino at tiniyak ang tulong at suporta mula sa pamahalaan.
Una na ngang napaulat na tatlong Overseas Filipino Workers ang nasawi dahil sa baha sa UAE.
Dalawa sa mga ito ay nasawi dahil sa suffocation nang ma-trap sa loob ng kanilang sasakyan sa kasagsagan ng baha habang ang isa naman ay namatay dahil sa vehicular accident.
Kasalukuyang inaasikaso na ang repatriation ng mga labi ng mga nasawing OFWs at inaasahang maiuuwi rito sa PH bago matapos ang Abril.
Nasa 650,000 na ang mga Pilipino sa Dubai subalit wala pa sa mga ito ang humiling para sa repatriation kasunod ng matinding pagbaha na ayon sa mga eksperto ay dulot ng climate change at kawalan ng drainage infrastructure sa naturang bansa.