Nagtalaga na si Pangulong Rodrigo Duterte ng dalawa pang mahistrado sa Supreme Court (SC).
Sila ay sina Court of Appeals Visayas Executive Justice Edgardo delos Santos at CA Justice Mario Lopez.
Papalitan ng mga ito sina retired SC Justices Antonio Carpio at Francis Jardeleza.
Si Carpio ay nagretire noong Oktubre, habang si Jardeleza ay noong Setyembre.
Wala pa ang transmittal letter sa Korte Suprema, ayon sa source.
Pero posibleng mag-oath taking na o manumpa ang dalawa kay Pangulong Duterte.
Si Justice De los Santos na tinaguriang Edsa sa kanyang mga kaibigan ay native ng Palompon, Leyte.
Noon pa man ay palagi nang napapasama ang kanyang pangalan sa mga kandidato sa SC.
Binansagan din siyang “habal-habal” justice noong palagi niyang inihahatid ang kanyang pamilya gamit ang motorsiklo kahit isa na siyang judge noon sa Dumaguete.
Nag-aral siya ng political science sa University of San Carlos sa Cebu City kung saan siya nagtapos ng bachelor of laws degree.
Liban sa pagiging dating Municipal Trial Court judge sa edad na 30 ay na-promote rin ito bilang Regional Trial Court judge sa Bacolod City kung saan nagsilbi siya ng 16 na taon.
Sina Delos Santos at Lopez ay ang ika-pang 11 hanggang 12 itinalaga bilang associate justices sa High Court.
Una nang iniluklok ni Duterte ang tatlo pang chief justices na sina Teresita Leonardo-De Castro, Lucas Bersamin at and incumbent na si Diosdado Peralta.