Nakilala na ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group ang dalawa pang suspek sa pagkawala ng 34 na mga sabungero noong nakaraang taon.
Ayon kay PNP-CIDG Director PBGen. Ronald Lee, ito ay matapos nilang makuha ang isang secret cellphone video na may kaugnayan sa umano’y pagdukot sa mga sabungero sa Sta. Cruz, Laguna noong Abril 2021.
Agad niyang inasatan ang Regional Field Office sa Regional 4-A na kuhanan ng salaysay ang asawa’t kapatid ng isa pang biktima na si Michael Bautista sa nasabing krimen matapos nila itong positibong kilalanin nang mapanuod ang naturang video dahil aniya sa gupit, body built, at personal na gamit nito.
Dagdag pa ni Lee, sa pamamagitan aniya ng computerized facial composites ng mga suspek sa naturang video ay nagkaroon na ang pulisya ng lead sa pagkakakilanlan ng dalawang lalaki habang nagpapatuloy pa aniya ang kanilang ginagawang enhancement sa nasabing cellphone video sa tulong ng PNP-Anti-Cybercrime Group.
Sa ngayon ay inihahanda na ang reklamong kriminal laban sa mga suspek na ihahain naman ng kapulisan sa Department of Justice.
Samantala, patuloy naman ang pagtiyak ng PNP-CIDG na magpapatuloy ito sa paghahanap pa ng mga ebidensya at saksi sa kasong ito at hindi aniya nila ito lulubayan hanggang sa malutas ang nasabing krimen.