LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na nagkaroon ng mahinang pagbuga ng abo at mamasa-masang usok o phreatic eruption sa Bulkang Mayon alas-6:27 ngayong umaga.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PHIVOLCS Director Renato Solidum, umabot hanggang 300 metro ang buga ng “high grayish ash plume” mula sa tuktok ng bulkan patungo sa kanluran-hilagang kanluran, kanluran-timog kanluran at kanlurang bahagi.
Nagkaroon din ng phreatic eruption dakong alas-8:11 kahapon ng umaga na hindi gaanong nakita sa bahagi ng Legazpi City dahil natatakpan ng ulap subalit namataan sa bahagi ng Daraga.
Nangangahulugan lamang aniya ang naturang aktibidad ng nagpapatuloy na pressure sa loob at consistent na abnormal na lagay ng bulkan.
Samantala, naitala ang anim na pagyanig sa bulkan na nagdulot ng dalawang rockfall events batay sa 24-hour observation period ng ahensya.
Nanatili namang mataas ang buga ang asupre sa bulkan sa average na higit 900 tonelada sa isang araw.
Kaugnay nito, muling iginiit ng PHIVOLCS na hindi pa maaaring ibaba ang Alert Level 2 status sa bulkan dahil sa mga ipinapamalas nitong aktibidad sa kasalukuyang pagsusuri.