Nakatakdang maghain ng dalawang panukalang batas ang House Blue Ribbon Committee kaugnay sa isyu ng confidential funds na iniimbestigahan ng komite.
Ito ang kinumpirma ni Committee on Good Government and Public Accountability Chairman at Manila 3rd District Rep. Joel Chua.
Ang dalawang panukalang batas na inihahanda ng Komite ay ang An Act Regulating the Allocation and Utilization of CIF imposing penalties for misuse and misappropriation or CIF Act at An Act Regulating Special Disbursing Officers and Imposing penalties for misappropriation o Act Regulating SDOs.
Layon nito tugunan ang tila maluwag na alituntunin batay sa joint circular no 2015-01 kung saan pinapayagan ang mga resibo na may pirma lamang gamit ang sulat kamay sa mga hindi nakikilalang mga tao bilang patunay ng liquidation.
Giit ni Chua, panahon na para magpatupad ng mas mahigpit na mga alituntunin sa paggamit ng mga confidential fund para sa mga confidential na gastos.
Aminado ang Kongresista bagamat mahalaga ang mga confidentials sa pambansang seguridad dapat itong balansehin sa tungkulin ng gobyerno na protektahan ang paggamit ng pampublikong pondo at ipatupad ang kinakailangang pagbabago sa batas.
Layon din ng panukalang batas na palakasin ang proteksiyon ng pera ng bayan ng sa gayon hindi maabuso ang paglabas ng milyon-milyong halaga at bilyon-bilyon nang walang wastong liquidation.
Nakatakdang rebyuhin naman ng Komite ang fidelity bons at ang inaprubahang halaga ng bond ng mga special disbursing officers.