LEGAZPI CITY — Agaw-pansin ang 63-anyos na kambal na magkaakay na nagpunta sa Albay Astrodome para sa taunang Bombo Medico.
Sina Nanay Salome Neptono at Nanay Salve Nunez na mga residente ng Barangay Bogna, Legazpi City ay magkasamang nagpakonsulta ng kanilang karamdaman sa nasabing aktibidad.
Ayon kay Nanay Salve, masugid na tagapakinig ng Bombo Radyo ang kapatid na si Salome na siyang nagpaalam sa kanya ng aktibidad.
Malaki umano ang kanilang pasasalamat dahil nabigyan sila ng tulong para sa kanilang altapresyon, sakit sa tuhod, problema sa mata, ubo at nabiyayaan pa ng vitamins.
Samantala, dumayo pa mula sa Castilla, Sorsogon ang isa pang pares ng kambal upang makapag-avail ng libreng konsulta.
Ayon kay Joan Abenio na kasalukuyang nakatira sa bayan ng Daraga sa Albay, ang mga magulang nila na nasa Castilla, Sorsogon ang nagkumbinsi sa kanila na magpakonsulta.
Dagdag pa nito, ipina-check up niya ang kanyang asthma habang nagpabunot naman ng ngipin ang kambal na si Julie Jabulan. Maliban sa kambal, sumama rin ang ina nila na nagpa-check up ng mata na gaya nila, nagsuot din ng asul na damit.