COTABATO CITY – Nagluluksa ang Archdiocese of Cotabato matapos sumakabilang-buhay ang dalawang pari roon.
Ito ay sina Fr. Loreto Sanoy, DCC, o mas kilala sa tawag na Father Loret, 78-anyos; at si Father Rex Bacero.
Unang binawian ng buhay si Father Loret alas-8:25 kagabi sa Cotabato Regional and Medical Center kung saan siya na-confine, dalawang linggo na ang nakalilipas dulot ng komplikasyon ng kanyang sakit hanggang tamaan na rin ng Coronavirus Disease (COVID).
Dadalhin ang kanyang labi sa Kidapawan City para sa cremation.
Bago naitalaga si Father Loret sa Our Lady of the Holy Rosary Parish sa Cotabato City, na-assign siya sa iba’t ibang parokya ng archdiocese of Cotabato at naging Seminary Rector ng Notre Dame Archdiocesan Seminary.
Si Fr. Rex Bacero naman ay kaninang alas-1:30 ng madaling araw namatay.
Sa nakalap na impormasyon ng Star FM Cotabato, dinala si Fr. Bacero sa ospital dahil nakakaranas ito ng sintomas ng COVID at doon na binawian ng buhay.
Samantala, nanawagan ang mga kaparian ng Archdiocese of Cotabato na ipanalangin ang dalawang pari at umaapela sa publiko na seryosohin ang pag-iingat laban sa COVID-19.