Binawian na ng buhay ang dalawang pasahero ng Diamond Princess cruise ship na nag-positibo sa COVID-19.
Ayon sa Japanese government, ito ang kauna-unahang namatay sa mga pasahero ng naturang barko dahil sa sakit na coronavirus.
Kapwa 80-taong gulang ang babae at lalaking pasyente nasawi ngunit hanggang ngayon ay hindi pa inilalabas ang pagkakakilanlan ng mga ito maging ang kanilang nasyonalidad.
Sinimulan kahapon ang paglilikas sa mga pasaherong nag-negatibo sa coronavirus na lulan ng Diamon Princess cruise ship matapos silang isailalim sa 14-days quarantine.
Kasama rito ang 106 Hong Kong citizens na dumating sa lungsod sakay ng Cathay Pacific flight CX5843 na lumapag sa Hong Kong International Airport dakong 8:30 ng umaga.
Sinalubong ang mga ito ng mga quarantine officials suot ang kanilang protective gear.
Kaagad silang isinakay sa isang van para dalhin sa itinakdang quarantine sites sa Fo Tan at Chun Yeung Estate.
Karamihan sa mga pasahero na bumaba ng eroplano ay may edad na at kitang-kita sa mga mukha nito ang kaginhawaan dahil nakabalik na sila sa lungsod.
Labis naman ang pasasalamat ni Chinese Secretary for Security John Lee Ka-chiu sa Japanese government dahil umano sa pag-aalagang ginawa nito sa kanilang mamamayan.
Ayon pa rito, 16 na pasahero ang hindi pumayag na umuwi gamit ang chartered flights at mas ginusto umano ng mga ito na bumalik na lang sa kanilang bansa sa pamamagitan ng ibang flights.
Nasa 20 pasahero naman ang hindi raw makapagdesisyon kung sasabay ang mga ito sa chartered flights dahil sa takot na baka mahawaan ng COVID-19.