Itinurnover na raw ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Health (DoH) ang isang close contact ng kauna-unahang Pinoy na nagpositibo sa UK variant ng Coronavirus disease 2019 (COVID-19) na matagal nang pinaghahanap ng contact tracers ng health department.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, ang naturang pasahero ay kasama ng unang Pinoy na nadapuan ng sakit na mula Dubai at dumating sa bansa noong Enero 7.
Hindi na inilabas ng NBI ang pangalan ng naturang indibidwal.
Samantala, nahanap na rin daw ng NBI ang kinaroroonan ng isa pang indibidwal na kasama sa flight at close contact din ng Pinoy na nagpositibo sa bagong variant ng COVID-19.
Ang isa raw sa mga pasahero ay natunton sa Cavite habang hindi pa naman tinukoy kung taga-saang lugar ang isa pang pasahero.
Una rito, nagpatulong na ang DoH sa NBI para matunton ang dalawang indibidwal matapos hindi nakikipag-ugnayan sa pamahalaan.
Sa ngayon 38 close contacts na ng 13 COVID-19 cases na infected ng UK variant ang nag-positibo sa COVID-19.
Sa naturang bilang, 34 sa mga nagpositibo ang may close contacts sa mga nag-positibo sa bagong variant ng covid sa Bontoc, Mountain Province.