VIGAN CITY – Patuloy ang imbestigasyong isinasagawa ng mga otoridad sa Sta. Cruz, Ilocos Sur hinggil sa insidente ng pananaga nitong alas-6:30 ng Biyernes ng umaga sa Barangay Besalan kung saan dalawa ang patay at isa ang kritikal ang kalagayan ngayon sa ospital.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Vigan, nagtungo umano sa Sta. Cruz municipal police station si Leo Hagunos Carbonel para i-report ang nasabing pangyayari sa kanilang barangay.
Nakilala ang mga namatay na biktima na sina Loreto Sanches Carbonel, 46, binata, magsasaka at si Jerome Domingo, 29, residente ng Brgy. Camangaan, Sta. Cruz.
Samantala, ang 13-anyos na lalaki na nakilalang si Johnwin Hagunos Carbonel na kaisa-isang testigo sana sa nasabing pangyayari ay kritikal ang kalagayan sa Ilocos Training and Regional Medical Center sa San Fernando City, La Union.
Nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga otoridad sa kalapit na lugar ng nasabing barangay ngunit bigo silang mahuli ang suspek.