CENTRAL MINDANAO – Sumiklab ang engkwentro ng dalawang armadong grupo sa probinsya ng Maguindanao.
Ayon kay Maguindanao police provincial director Colonel Ronald Briones na nagkasagupa ang grupo nina Kumander Tommy at Adrex Cali sa plantasyon ng saging sa Brgy Tukanalugong, Datu Abdullah Sangki, Maguindanao.
Tumagal ng mahigit isang oras ang palitan ng bala sa magkabilang panig gamit ang mga matataas na uri ng armas.
Dahil sa takot ng mga sibilyan ay lumikas ito patungo sa mga ligtas na lugar.
Humupa lamang ang engkwentro nang dumating ang pwersa ng militar at pulisya.
Dalawa sa mga tauhan ni Kumander Tommy ang nasawi at isa ang nasugatan sa grupo ni Adrex Cali na pawang mga miyembro umano ng isang Moro fronts sa Maguindanao ngunit may personal na alitan sa kanilang pamilya dahil sa agawan sa lupa na kanilang sinasaka.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang mapayapang negosasyon ng mga lokal opisyal sa bayan ng Datu Abdullah Sangki para resolbahin ang alitan ng dalawang grupo.