ROXAS CITY – Patay ang dalawang katao habang isa ang kritikal sa ospital sa salpukan ng Innova na sasakyan at motorsiklo sa Barangay Mianay, Sigma, Capiz.
Kinilala ang mga namatay na sina Loren Rodico, driver ng motorsiklo at Nicole Gonzales backrider, habang ginagamot sa ospital ang isa pang backrider na si Apple May Gonzales.
Sa interview ng Bombo Radyo Roxas kay Kagawad Mary Jane Za-mudio ng Barangay Malapad Cogon, Sigma, may-ari ng karinderya at bahay kubo na malapit sa pinangyarihan ng insedente, sinabi nito na may narinig siyang malakas na tunog at sa kanyang paglabas nakita nyang nakabulagta sa kalsada sina Rodico at Ni-cole.
Lumalabas naman sa imbestigasyon ng Sigma PNP na galing sa Iloilo City si Rowelyn Biñas Balatayo, driver ng sasakyan at pauwi na sa Barangay Loctugan, Roxas City ng makaidlip.
Paggising nito ay nagpatuloy sa pagmaneho ngunit aksidenteng inagaw ang linya ng motorsiklo na sakay ang tatlong biktima.
Dahil sa impact ng salpukan ay tumilapon ang mga biktima na nagtamo ng mga sugat sa katawan at ulo at dahil hindi rin nakontrol ni Balatayo ang sasakyan ay nahulog ito sa sapa.
Napag-alaman na ihahatid sa paaralan ni Rodico ang dalawang backrider na estudyante ng mangyari ang aksidente.