CENTRAL MINDANAO – Umakyat na sa dalawa ang nasawi at 11 ang nasugatan sa pampasaherong jeep na nahulog sa bangin sa lalawigan ng Sultan Kudarat.
Nakilala ang mga nasawi na sina Jamil Ampatuan Guiampaca, 20 anyos at Naif Pagatan Etto, 7, mga residente ng Cotabato City.
Sugatan naman sina Nasrudin Usop Rajamuda, 17, Jehan Salik Kusain, 17, Henry Sandang Abdul, 15, Jojo Guiampaca Gandawali, 19, Olsen Balbaran, Wahida Usop Rajamuda, Alan Guiampaca, 41, Datumanot Usop Rajamuda, 17, Gina Gandawali Manise, 14, Faisal Guiampaca Esmael at Alicia Gandawali, 18-anyos.
Ayon sa ulat ng Kalamansig PNP, nakasakay ang mga biktima sa isang kulay green na Bongo Mazda at may plakang MAA- 4365 mula Cotabato City patungong Balut Island ngunit pagsapit nito sa matarik na bahagi ng kalsada sa Sitio Babancao, Barangay Paril, Kalamansig Sultan Kudarat ay bigla na lamang umanong pumutok ang preno o break ng sasakyan.
Hindi na nakontrol ni Sammy Sedik Alimao ang manobela ng jeep at diretsong nahulog sa bangin.
Mabilis namang rumesponde ang mga rescue volunteer ng Kalamansig MDRRMO at dinala sa Sultan Kudarat District Hospital ang mga sugatan ngunit agad inilipat sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) sa Cotabato City.
Karamihan sa mga biktima ay mga estudyante na nagkayayaan na maligo sa Balut Island sa bayan ng Kalamansig.
Sa ngayon ay nagpapapatuloy pa ang imbestigasyon ng Kalamansig PNP sa naturang pangyayari.