Patuloy ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring pamamaril sa Rochester sa estado ng New York kung saan dalawa ang namatay at 14 ang sugatan.
Ayon kay Acting Police Chief Mark Simmons, dinedetermina pa ng mga pulis kung sino at kung ilan ang nagpaputok ng baril.
Sa kasalukuyan aniya, wala pang suspek na nakakustodiya, at blangko pa rin sila sa motibo ng mga nasa likod ng insidente.
Sinabi pa ni Simmons, nasa pagitan ng 18 at 22-anyos ang mga nasawi sa pangyayari, ngunit hindi pa inilalabas ang kanilang pagkakakilanlan.
Dinala naman ang 14 sugatan sa dalawang ospital, at wala naman umanong nagtamo ng kritikal na tama sa kanilang pangangatawan.
“This is truly a tragedy of epic proportions, if you ask me,” wika ni Simmons. “Sixteen victims is unheard of.”
Ang nasabing pamamaril ay kasunod ng pagkamatay ng Black American na si Daniel Prude sa kamay ng pulisya sa New York noong Marso, pero ngayon lang isinapubliko. (CNN/ BBC)