(Update) TACLOBAN CITY – Nananatili sa ngayon sa ospital ang 17 kataong sugatan sa ginawang pananambang ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa patrol car ng pulisya sa Brgy. Libuton, Borongan City, Eastern Samar.
Una rito, napatay si Pat. Mark Jerome Rama habang sugatan naman ang apat pang pulis na sina Pat. Ric Capoquian Jr., Pat. Kevin Operario, Pat. Angelito Luterte at Pat. Rey Sobrepena.
Namatay din ang isang sibilyan habang sugatan ang 13 iba pa kasama na ang dalawang menor de edad.
Ayon kay P/Col. Carlito Abriz, provincial director ng Eastern Samar Police Provincial Office (ESPPO), bumibiyahe ang 1st Eastern Samar Provincial Maneuver Force Company patungo sa ESPPO headquarters nang may sumabog na improvised explosive device (IED) at sinundan naman ng pagpaulan ng bala ng mga rebelde sa PNP patrol car dahilan para mahulog ito sa bangin.
Pinaniniwalaang sampung mga NPA ang sumugod para pagbabarilin ang mga pulis habang may iba pang mga rebelde na nakaantabay lang sa bundok malapit sa pinangyarihan ng krimen.
Maaring kinokondena naman ng Police Regional Office 8 ang ginawang pa-traydor na pag-atake ng mga rebelde.
Maaalalang nagkaroon din ng umatake din ang mga NPA sa Brgy. Pinanag-an, Borongan City noong nakaraang Nobyembre 11 kung saan anim na sundalo ang patay at 20 naman ang nasugatan.