CAGAYAN DE ORO CITY – Patay ang dalawang katao na kinabilangan ng isang pulis at mismong ang suspek na nasa likod nang pagbitbit ng granada sa loob ng covered court sa Initao College sa Barangay Jampason, Initao, Misamis Oriental.
Kinilala ni Misamis Oriental Provincial Police Office director Col. Robert Roy Bahian ang nasawi na pulis na si Master Sgt Jayson Magno, 47, na taga-Initao habang kritikal naman si M/Sgt Alice Balibo na kabilang sa nadala sa magkaibang pagamutan sa Cagayan de Oro City.
Sinabi ni Bahian na natukoy naman ang suspek na si Ibrahim Basher, 65, na residente ng Tulay Madamba, Lanao del Sur.
Kabilang sa mga sugatan ay mga mag-aaral at ilang empleyado ng DENR na nakabase sa lalawigan.
Una rito, nais kunin sana ng mga pulis ang granada ng suspek nang mag-amok subalit umayaw ito kaya nagkaagawan haggang sa sumabog.
Nagdulot din ng komosyon ang pangyayari kaya napilitan na itigil muna ang klase ng paaralan.
Narekober naman ang ilang kagamitan ng suspek habang dinala na ito sa isang punerarya sa lugar.