BACOLOD CITY – Patay ang dalawang menor de edad, habang nasa ospital naman ang 19 iba pa matapos na malason sa kinain na karne ng kalabaw sa bayan ng Tayasan sa Negros Oriental.
Napag-alaman na patay na ang naturang kalabaw nang katayin ito ng isang pamilya sa Barangay Bago, Tayasan noong Abril 13 at ipinamahagi ang karne nito sa kanilang mga kapit-bahay kapalit ng bigas.
Noong Biyernes, namatay ang dalawang taong gulang na bata at ang isang 15-anyos matapos kumain umano ng karne ng kalabaw.
Habang dinala naman sa ospital ang 19 iba pa matapos makaramdam ng pananakit ng tiyan.
Base sa record ng Tayasan Municipal Health Office, mayroon pang 39 na residente na nakaramdam ng pananakit ng tiyan ngunit binigyan lamang ang mga ito ng gamot at pinauwi.
Samantala, mayroon namang 50 katao na nakakain din ng karne ng kalabaw ngunit hindi naman sumama ang pakiramdam.
Nag-abiso ang alkalde sa nasabing bayan na kasuhan ang may-ari ng kalabaw habang tinutukoy pa ang causative agent ng food poisoning.