LEGAZI CITY – Desidido si Legazpi City Mayor Noel Rosal na sampahan ng kaso ang may-ari ng itinatayong hotel sa mataas na bahagi ng Brgy. Pinaric, Legazpi City.
Ito ay matapos matabunan ang dalawang construction worker ng gumuhong lupa mula sa nasabing itinatayong hotel.
Kinilala ang mga ito na sila Allan Andes at Rolin Bagacay na nakuha pang madala sa pagamutan subalit idineklarang dead on arrival.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Rosal, ilang beses nang binigyan ng cease and desist order ang may-ari ng naturang hotel dahil nakitaan ito ng panganib.
Subalit napag-alaman na ipinagpatuloy pa rin ang pagpapatayo hanggang sa mangyari ang naturang insidente.
Naging saturated o malambot na kasi ang lupa matapos ang mga nagdaang mga bagyo.
Samantala, nasa stable naman ang kalagayan ng dalawa ring sugatan sa naturang insidente na sila Ariel Marcelo at Marvin Balmediano.
Sa ngayon, patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad kaugnay sa naturang insidente.