BACOLOD CITY – Dalawa ang patay habang dalawa rin ang sugatan makaraang bumangga ang isang motorsiklo sa nakaparadang truck sa bayan ng Hinigaran, Negros Occidental.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay P/Maj. John Ganzon, hepe ng Hinigaran Municipal Police Station, pauwi na sana ang mga biktima sa Hinigaran matapos dumalo sa isang birthday party sa Bago City kagabi.
Pagdating sa Sitio Kahilwayan, Barangay Gargato, bumangga ang motorsiklo sa truck na huminto sa daan dahil sa mechanical error ngunit naglagay din ng warning device ang driver.
Pumailalim sa truck ang motorsiklo at nagulungan din ng sumusunod na motorsiklo ang mga biktima.
Dahil sa impact ng pagkabangga, dead on arrival sa ospital sina Janu Yunsal, 23; at Chrismichu David, 26; habang sugatan naman sina Johnester Guarin, 26; at Cleo David, 25, at SK chairman ng Barangay Palayog, Hinigaran.
Sa ngayon, pinalaya ng mga pulis ang driver ng truck na si Jomar Esparagoza dahil wala itong kasalanan at maaaring violation lang sa illegal parking ang kanyang kaso, habang ginagamot pa sina Guarin at ang SK chairman.