LEGAZPI CITY – Patay ang dalawang kasapi ng New People’s Army (NPA) sa operasyon ng tropa ng pamahalaan sa boundary ng Barangay Patag at Cawayan, Irosin, Sorsogon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Maj. John Paul Belleza ng 9th Division Public Affairs Office ng Philippine Army, nasa lugar ang pinag-isang pwersa ng 22nd Infantry Battalion, 903rd Infantry Brigade at pulisya sa pagberipika ng mga ulat na may presensya ng armadong grupo sa lugar.
Sumiklab ang engkwento sa pagitan ng tropa ng gobyerno at humigit-kumulang 40 katao habang tumagal ng 15 minuto ang palitan ng mga putok.
Dalawa sa kabilang panig ang nasawi na kinilala lamang na alyas “Cenon” na kabilang sa listahan ng wanted persons at sinasabing eksperto sa paggawa ng bomba at isang alyas “JR.”
Sumuko rin ang dalawang katao kabilang ang sinasabing lider ng Platoon 1, Larangan 2 ng Bicol Regional Party Committee habang nakumpiska pa sa operasyon ang anim na M16 rifles, tatlong anti-personnel mines, propaganda materials at ilang personal na gamit.
Itinuturing naman ng Joint Task Force Bicolandia na tagumpay dahil sa kooperasyon ng mga kababayan kaya’t muling hinikayat ang iba pang rebelde na magbalik-loob na rin sa pamahalaan.