KORONADAL CITY- Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng mga otoridad sa nangyaring aksidente sa daan na nagresulta sa pagkamatay ng 2 katao ang pagkasugat ng halos 20.
Kinilala lamang ang mga namatay na biktima na sina Melanie, 18 at Hadji Abas, 70-anyos kapwa residente ng Dalican, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
Ayon sa report ng South Upi PNP, sakay ang halos 25 katao sa isang truck papunta sa bayan ng Lebak, Sultan Kudarat subalit ng dumating sa pakurbadang bahagi ng national higway sa South Upi, Maguindanao, nawalan ng kontrol sa break ang driver.
Samantala, ayon naman sa isang sakay ng truck iniwasan umano ng driver na mahulog ang truck sa bangin dahilan upang ibinangga na lamang ito sa concrete at steel railings sa national highway sa Sitio Sinako, Barangay Kuya.
Agad naman rumesponde ang miyembro ng South Upi PNP kung saan agad na isinugod sa ospital sa Barangay Tinaman ang mga biktima.
Napag-alaman na papunta sana sa isang kasal sa bayan ng Lebak ang mga biktima.