-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Dalawa ang binawian ng buhay habang nasa 26 naman ang sugatan sa pagbaliktad ng isang elf truck sa bahagi ng Trento, Agusan Del Sur kung saan ilan sa mga sakay nito ang magkakamag-anak mula sa bayan ng Surallah, South Cotabato.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Sharon Garcesa, anak ng isa sa mga nasawing biktima, maliligo sana sa dagat ang kanilang pamilya at mga kasamahan sa simbahan ngunit hindi na natuloy pa matapos na makabangga sa barikada nang kino-construct na daan.

Ayon kay Sharon, nagdesisyon ang kanyang mga magulang, kapatid at iba pa nilang kaanak na pumuntang bayan ng Trento upang magbakasyon at makita din ang iba nilang kaanak.

Gabi umano nangyari ang aksidente kung saan kinaumagahan na naipaalam sa kani-kanilang pamilya.

Naidala pa sa Bunawan District Hospital ang mga sugatan ngunit kalaunan ay binawian ng buhay si Ginang Margie Garcesa na residente ng Barangay Moloy, Surallah, South Cotabato at ang isang labing-isang (11) taong gulang na batang lalaki na anak ng driver ng truck.

Sa ngayon nasa ligtas na kondisyon na ang ibang mga sugatan samantalang inilipat naman sa South Cotabato Provincial Hospital ang ilang myembro ng pamilya Garcesa.

Sa ngayon, nagpapasalamat ang pamilya Garcesa sa lahat ng tumulong sa kanila upang mauwi sa bayan ng Surallah ang bangkay ng kanilang kamag-anak na namatay sa aksidente.