KORONADAL CITY – Umabot na sa dalawa katao ang naitalang patay habang tatlong probinsiya naman sa Soccsksargen ang apektado ng baha at landslide dahil sa malakas na buhos ng ulan dulot ng Intertropical Convergence Zone o ITCZ.
Ito ang inihayag ni Ms. Jorie mae Balmediano, spokesperson ng Office of the Civil Defense Region 12 sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Balmediano, ang unang naiulat na nasawi dahil sa kalamidad ay ang 6 na taong gulang na batang lalaki sa Lebak, Sultan Kudarat na nalunod sa Tran river matapos na maanod ng rumaragasang tubig at narekober na lamang sa bahagi ng Sitio Lunay, Barangay Pansud sa nabanggit na bayan.
Itinuturing naman na kabilang sa casualty ang natabunan ng gumuhong lupa sa Sitio Lamfugon, Barangay Tinago, Norala, South Cotabato na kinilalang si Flory Sakim, 37 anyos at residente ng nabanggit na lugar.
Dagdag pa ni Balmediano, daan-daang pamilya din ang apektado ng baha sa mga bayan ng Libungan at Pigcawayan sa probinsiya ng North Cotabato at mga bayan naman ng Norala, Tantangan, Polunoling and Tupi dito sa lalawigan ng South Cotabato.
Sa ngayon, nasa higit isandaang (100) pamilya na lamang ang nananatili sa evacuation center particular na sa Sitio Lamfugon, Barangay Tinago Norala, South Cotabato na apektado ng landslide at mga residente naman sa Polunoling Tupi, South Cotabato na apektado ng pagbaha.
Agad naman na biinigyan ng tulong ang mga apektadong pamilya na nasa evacuation centers.
Samantala, nananawagan naman si Balmediano sa mga residente na nakatira sa mga flash flood and landslide prone areas na maginig vigilante sakaling bumuhos naman ang malakas na ulan