-- Advertisements --

LA UNION – Nagdadalamhati ngayon ang mga pamilya ng mga namatay na empleyado ng isang energy service company matapos mahulog ang kanilang sinasakyang pick-up sa tulay na matatagpuan sa national highway sa Brgy. Gana sa bayan ng Caba, La Union.

Nakilala ang mga nasawi sa nangyaring aksidente na sina Lemuel Sebio, 32, residente ng Green Valley, Baguio City; at Mark Lardizabal, 49, residente ng Tuba, Benguet.

la Union pick up

Habang patuloy na ginagamot sa ospital ang iba pang sakay na sina Jay Nabus, 27, ang driver ng naturang sasakyan, residente ng La Trinidad; Alexander Padilla, 26, residente ng Baguio City; at Norian Dagyapan, 37, residente ng Tuba, Benguet.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay PSMSgt. Marco Dulnuan, imbestigador ng Caba Police Station, sinabi nito na ang mga biktima ay pawang mga empelyado ng Hedcor Company na nakabase sa lalawigan ng Benguet.

Base sa pagsisiyasat tinangkang iniwasan umano ni Nabus ang kasalubong na motorsiklo na umagaw sa kanilang linya at nawalan ito ng kontrol sa paghawak sa manibela kaya bumulusok ang minamanehong sasakyan sa ibaba ng tulay.

Nahirapan din ang rescue team sa pag-ahon sa mga biktima na na-trap sa nagkayupi-yuping sasakyan.

Dahil sa matinding pinsalang natamo sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan ay binawian ng buhay sina Sebio at Lardizabal.

Ipinabatid na rin ng pulisya ang nangyaring trahedya sa mga kaanak at kompanyang pinagsisilbihan ng mga biktima.