-- Advertisements --

LA UNION – Patay ang dalawang indibidwal habang sugatan naman ang apat na iba pa sa nangyaring banggaan ng mga sasakyan sa magkakaibang lugar sa La Union nitong weekend.

Naideklarang dead on arrival sa pagamutan si Benedict Rullepa, 33, residente ng Barangay San Martin habang sugatan naman si Christian Agaser, 37, residente ng Barangay Nagatiran sa bayan ng Bacnotan.

Unang nangyari ang banggaan sa pagitan nina Rullepa at Agaser sa kahabaan ng national highway sa bahagi ng Barangay Tammocalao sa nasabing bayan kung saan galing umano sa magkaibang direksyon ang mga biktima.

Samantala, patay din ang isang motorcycle rider matapos na makabanggaan ang isang owner-type jeep sa national highway ng Barangay Bautista sa bayan naman ng Caba.

Nakilala ang namatay na biktima na si Pedro Flores, 47, residente ng Barangay San Benito Sur, sa bayan ng Aringay habang ang isa pang sugatan ay nakilala na si Valiant Abubo, 35, taga-Barangay Acao sa bayan ng Bauang.

Sa isinagawang imbestigasyon ng Caba Police, tinatahak ng owne- type jeep na minaneho ni Abubo na patungo sa hilagang direksyon habang patungo naman sa timog ang motorsiklo na minaneho ni Flores nang umagaw sa linya ang owner type jeep kasunod ng pagsalpok sa hulihan ng motorsiklo.

Nakuhanan naman ng CCTV ang nangyaring salpukan ng dalawang sasakyang kung saan nagpaikot-ikot pa ang owner type jeep bago ito mabangga ng motorsiklo.

Kaugnay nito, sugatan din ang dalawang rider matapos na magkabanggaan sa kahabaan ng national highway sa Brgy. Baccuit Norte sa Bauang.

Nakilala ang mga biktima na sina Mark Taguinod ng Barangay Central East, at Jett Calibuso residente ng Barangay Paringao, sa nasabi pa rin bayan na kapwa lulan ng kanilang mga sasakyan.

Ayon sa police report, di umano umagaw sa linya si Calibuso at nakabangga nito ang sasahyan ni Taguinod. Kapwa nasa Ilocos Regional & Medical Center (ITRMC) ang mga biktima para magamot.

Kung maalala, walo rin ang sugatan sa banggaan ng Van at kotse sa kahabaan ng national highway ng Barangay Imelda sa bayan ng Naguilian kamakalawa.

Nakilala ang driver ng Van na si Joel Pandalogan, 34, residente ng Buguias, Benguet habang si Hans Busacay, 35, residente ng Holy Ghost Extension, Baguio City ang nagmaneho sa kotse.

Kasama sa mga sugatan ang limang biktima na kapwa residente ng Tuba, Benguet at ang isa ay mula sa bayan ng Bagulin, La Union.

Napag-alaman na pauwi na sa Baguio City ang lahat ng nakasakay sa kotse at galing naman mula sa pakikipaglibing mga nakasakay sa van.