-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Nagresulta sa pagkamatay ng dalawang katao at pagkasugat ng 4 na iba pa ang nangyaring salpukan ng dalawang motorsiklo sa bayan ng Banga, South Cotabato.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay P/Sgt. Bayani Louie Fuscablo ng Banga Municipal Police Station, sangkot sa aksidente ang isang motorsiklo na minaneho ni Jorge Alico Paller, 30, dicer at sakay nito ang kanyang asawang si Ivie Ostan Paller, 22, kasama na ang isang taong gulang nilang anak at ang biyenan na si Letecia Ostan, 61.

Samantala, minaneho naman ni Romar Cerado Tutania, 21, ang isa pang motorsiklo kasama ang backrider nitong si Ralph Espedeña, 18, mga residente ng Naci, Surallah, South Cotabato.

Sa imbestigasyon ng Banga PNP, pauwi na umano ang pamilya ni Paller sa Barangay San Jose, Banga nang mawalan umano ng kontrol ang nakasalubong nilang motorsiklo na minamaneho ni Tutania na nagresulta sa pagsalpukan ng dalawang motorsiklo.

Dead on the spot ang bata pati na si Tutania habang ang apat namang sangkot sa aksidente ay patuloy na ginagamot sa bahay pagamutan.

Sa ngayon nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon sa nangyaring madugong aksidente.