-- Advertisements --

Dalawang katao ang napatay habang lima ang sugatan sa nangyaring knife attack sa bahagi ng southeast France.

Batay sa inisyal na ulat, pumasok ang suspek sa isang tobacconist sa bayan ng Romans-sur-Isère, at pinagtataga ang mga may-ari at isang kustomer.

Matapos nito ay nagtungo sa isang kalapit na butcher’s shop at nang-atake muli.

Nadakip naman umano ang suspek, na isang 33-anyos na lalaki mula sa bansang Sudan.

Bagama’t nananatiling palaisipan ang motibo ng insidente, tinawag ni French Interior Minister Christophe Castaner ang pag-atake bilang isang “terrorist incident”.

Sa ngayon, sinusuri na raw ng National Counter-Terrorism Prosecutor’s Office kung mag-isa lang na kumilos ang nasabing salarin.

Ayon naman kay French President Emmanuel Macron, “nakakagalit” ang nangyari lalo pa’t humaharap na ang bansa sa isang napakalaking problema sa coronavirus pandemic.

“My thoughts are with the victims of the Romans-sur-Isère attack – the injured, their families,” pahayag ni Macron.

Nangako naman si Macron na mareresolba nila ang krimen. (BBC)