(Update) CENTRAL MINDANAO – Nagsilikas ang mga sibilyan nang magkasagupa ang dalawang armadong grupo sa probinsya ng Cotabato.
Ayon sa ulat ng 602nd Brigade Philippine Army, naka-engkwentro nila ang grupo nina Kumander Tanda Tidong at Kumander Bobby Rajamuda sa Barangay Busaon, Banisilan, North Cotabato.
Sa takot na maipit sa gulo ay nagsilikas ang mga sibilyan patungo sa mga ligtas na lugar.
Agad namang nagresponde ang tropa ng Bravo Company ng 34th Infantry Battalion Philippine Army at naabutan pa ang naglalabang grupo.
Namagitan ang militar, pulisya at mga opisyal ng bayan ng Banisilan kaya humupa ang engkwentro.
Ang grupo nina Kumander Tanda Tidong at Kumander Bobby Rajamuda ay mga miyembro ng isang Moro fronts ngunit may personal na alitan sa kanilang pamilya.
Dalawa umano ang nasawi at pito ang nasugatan sa engkwentro ng grupo nina Tidong at Rajamuda.
Sa ngayon ay may mga tao nang inatasan si Cotabato acting Governor Emmylou ”Lala” Mendoza para resolbahin ang alitan ng dalawang grupo.