BACOLOD CITY – Inaalam pa ng mga pulis ang sanhi ng pagkahulog ng isang wing van sa bangin sa Kabankalan City, Negros Occidental, kung saan dalawa ang patay kaninang alas-4:30 ng madaling-araw.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa hepe ng Kabankalan City Police Station na si Police Lt. Col. Jonel Guadalupe, sinabi nitong galing sa Poblacion at papunta sana sa Barangay Tabugon ang wing van na sinasakyan ng siyam na katao na magbebenta sana ng iba’t-ibang produkto kasabay ng market day.
Pagdating ng mga ito sa Sitio Plasanon, Barangay Salong, nahulog ang van sa bangin na may lalim na pito hanggang 10 talampakan.
Naging pahirapan naman ang rescue operation ng mga rumespondeng rescue teams.
Dalawa ang dead on the spot habang ginagamot pa ang pitong iba pa sa ospital sa Kabankalan matapos masugatan.
Ayon kay Guadalupe, maaaring nakatulog ang driver o may problema sa preno ng sasakyan kaya’t nangyari ang aksidente.