CENTRAL MINDANAO-Awayan sa pamilya o rido ang natatanaw na motibo ng mga otoridad sa pamamaril sa mga sakay ng mini van sa lalawigan ng Maguindanao Del Norte.
Nakilala ang mga nasawi na sina Tato Mangilay Datupeno,31 anyos at ang kanyang kapatid na si Nelson Datupeno,mga residente ng Barangay Kalanganan 2 Cotabato City.
Sugatan naman ang isang 5 anyos na batang babae na anak ng isa sa mga nasawi.
Ayon kay Sultan Kudarat Chief of Police Lieutenant Colonel Julhamin Asdani na lulan ang mga biktima ng isang Mini Van pauwi na ng Cotabato City ngunit pagsapit nila sa Barangay Crossing Simuay Sultan Kudarat Maguindanao Del Norte ay dinikitan sila ng Toyota Hilux Pickup sakay ang mga suspek at pinagbabaril ito gamit ang kalibre.45 na pistola at M16 Armalite rifles.
Mabilis namang tumakas ang mga salarin patungo sa direksyon ng Cotabato City.
Naisugod pa sa pagamutan ang mga biktima ngunit binawian ng buhay ang magkapatid habang nasa maselang kondisyon ang bata.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Sultan Kudarat Maguindanao Del Norte PNP sa pamamaril sa mga biktima.