-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Nasawi ang dalawa katao at lima ang nasugatan sa pagsalakay ng mga armadong grupo sa kampo ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa Cotabato City.

Nakilala ang mga binawian ng buhay na sina Pacundo Pangilan,30 anyos at Razul Abdullah.

Sugatan naman sina Benzar Pangilan, 21-anyos, estudyante, Rafsudin Nabaha, 29-anyos, barangay tanod, Jomar Nabaha, 23-anyos, isa ring barangay tanod at dalawa pang mga menor de edad,mga residente ng Purok Pangilan Barangay Tamontaka 2 Cotabato City.

Ayon kay Cotabato City Police Director Colonel Querubin Manalang na sinalakay ng grupo ni Kumander Sammy mula sa Barangay Bitu Datu Odin Sinsuat Maguindanao Del Norte ang Camp Datu Sumampao Tulawi ,kampo ng MNLF sa Purok Pangilan Brgy Tamontaka 2 sa lungsod.

Dahil sa tindi ng palitan ng putok ay lumikas ang mga sibilyan dahil sa takot na maipit sa gulo.

Umatras ang grupo ni Kumander Sammy nang matunugan nila na nagresponde ang mga sundalo at mga pulis.

Dalawa ang nasawi sa MNLF at lima ang nasugatan habang hindi matiyak sa grupo ni Kumander Sammy.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Cotabato City PNP sa naturang pangyayari.