-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Away sa lupa ang tinitingnang motibo ng Lake Sebu PNP kaugnay sa umano’y duwelo sa bahagi ng Sitio Kuloingal, Barangay Lamfugon, Lake Sebu, South Cotabato na ikinasawi ng dalawang katao.

Kinilala ang mga biktima na sina Junie Mlaan, 32, magsasaka at residente sa naturang lugar at si Danilo Andal alyas Pee, 23, residente naman ng Sitio Lambadak.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Lake Sebu chief of police Major Johnnyrick Medel, kaagad nilang nirespondehan ang pinangyarihan ng insidente ngunit wala na silang naabutan doon maliban na lamang sa naturang mga biktima na wala nang buhay.

Ayon sa opisyal, parehong nagtamo ng mga tama ng bala sa kanilang mga katawan ang mga biktima na naging dahilan ng kanilang kamatayan.

Sa ngayon, itinuturing na ng mga otoridad na case closed ang naturang insidente dahil walang testigo sa naturang pangyayari at wala rin silang person of interest na maaring sampahan ng kaso.