Nasawi ang 2 katao habang 8 sugatan sa malalakas na pag-ulan at bugso ng hangin dala ng bagyong Julian sa bansa.
Base sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang isang napaulat na nasawi ay mula sa Region 1 habang ang isa naman ay mula sa Cordillera Administrative Region (CAR).
Ang 8 indibidwal naman na nasugatan sa pananalasa ng bagyo ay mula sa Region 2 o Cagayan valley habang may isang indibidwal na kumpirmadong nawawala.
Sa ngayon, apektado ang kabuuang mahigit 58,000 pamilya o mahigit 200,000 indibidwal mula sa Region 1,2 at CAR. Sa naturang bilang, mahigit 300 pamilya ang inilikas patungo sa mga evacuation center habang mahigit 600 pamilya naman ang lumikas muna pansamantala sa ibang lugar.
Nagsimula naman ng humupa ang baha sa mga lugar sa Ilocos region, Cagayan valley at CAR na matinding sinalanta ng bagyo at naibalik na rin ang suplay ng kuryente sa mga lugar na nakaranas ng power interruption.
Samantala, nagdeklara na ng state of calamity ang 29 na siyudad o bayan sa Region 1 at 2.