KORONADAL CITY – Umakyat na sa dalawang bata ang binawian ng buhay habang halos 50 naman ang kumpirmadong biktima ng diarrhea sa Parang, Maguindanao.
Ito ang inihayag ng health ministry ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
Ayon kay Minister Saffrulah Dipatuan ng Ministry of Health BARMM (MOH-BARM), agad silang nag-deploy ng team na nagsasagawa ng imbestigasyon at kumuha ng stool samples ng mga biktima upang malaman ang pinagmulan nito.
Isa sa mga nakikitang dahilan ng outbreak ay ang pinagkukunan ng inuming tubig ng mga residente sa lugar.
Napag-alaman na kumukuha sa balon ng tubig na inumin at panluto ang mga residente na apektado ng diarrhea outbreak.
Sa ngayon, ipinasiguro naman ng health ministry ng BARMM na hindi na lalala pa ang nasabing outbreak kahit nakatutok ngayon ang rehiyon sa COVID 19 pandemic.