CEBU – Binawian ng buhay ang dalawang lalaki matapos sumalpok ang sinasakyang motorsiklo sa likod ng isang SUV pasado alas-9 ng gabi noong Biyernes, Setyembre 23, sa kahabaan ng national highway sa Barangay Tulay, bayan ng Minglanilla sa southern Cebu.
Nasugatan din sa aksidente ang isa sa dalawang taong sakay ng pillion at isa sa mga backriders na tanging nakaligtas sa aksidente at nagpapagaling sa kanyang mga sugat sa ospital.
Kinilala ni Police Lieutenant Crisanto Arreglo, deputy chief of police sa Minglanilla Police Station ang mga namatay sa aksidente na sina Janrenan Omambac, 28, motorcycle driver; at Nencris Omambac, 31, isa sa mga backriders na kapwa residente ng Sitio Kapayawan, Barangay Colon sa Naga City.
Ayon kay Arreglo, inamin ng mga kaanak ng mga biktima na nakainom ng alak ang tatlong lalaki bago sila umalis sakay ng motorsiklo.
Sa imbestigasyon ng pulisya, mabilis ang takbo ng motorsiklong minamaneho ni Janrenan kasama ang kanyang dalawang backriders at nag-overtake sa isa pang sasakyan at tricycle.
Samantala, nakipag-ayos na ang mga kaanak ng mga biktima sa driver ng SUV.
Nangako rin ang driver ng SUV na sasagutin ang lahat ng gastusin ng mga biktima.
Pinaalalahanan din ni Arreglo ang mga motorista na laging mag-ingat sa pagmamaneho at huwag magmaneho sa ilalim ng impluwensya ng alak.