-- Advertisements --

VIGAN CITY – Dalawa ang patay habang isa ang sugatan sa nangyaring salpukan ng dalawang motorsiklo habang isa sa mga biktima ay nasagasaan ng trailer truck sa Barangay Baliw, San Juan, Ilocos Sur.

Nakilala ang isa sa mga namatay na si Mirasol Pando, 40-anyos, TSPI manager, residente ng Quimmarayan, Sto. Domingo, at backrider ng XRM motorcycle na minaneho ni Joshua Purificacion, TSPI collector at residente ng Naguilian, Caaoayan.

Maliban kay Pando, dead on arrival din sa pagamutan si Efren Ventura, 56-anyos, construction worker, residente ng Resureccion, San Juan na nagmaneho ng Rusi motorcycle.

Nakilala naman drayber ng Isuzu Trailer truck na si Franklin Lewin Pascual, 35-anyos, residente ng Barangay Bugas, Banna, Ilocos Norte kasama ang helper nito na si Ronaldo Jacinto, 43-anyos na residente ng Puttao, Solsona, Ilocos Norte.

Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay Police Major Christopher Ramat, parehong tinatahak ng XRM na motorsiklo at trailer truck ang timog na direksyon nang tinangka umano ng XRM motorcycle na mag-overtake sa sinusundan nitong trailer truck.

Habang nag-oovertake ang XRM ay bumangga naman ito sa nakasalubong na Rusi motorcycle.

Dahil sa lakas ng impact ng aksidente, tumilapon ang backrider sa linya ng trailer truck kung kaya’t nasagasaan nito ang biktima.

Nasa maayos naman na kalagayan ang drayber ng XRM motorcycle na nagtamo rin ng mga sugat habang ang drayber ng trailer truck ay nasa kustodiya na ng San Juan Police Station upang dumaan sa tamang proseso.