Kinumpirma ng pulisya na binawian ng buhay ang dalawang indibidwal kabilang ang isang 6 taong gulang na bata matapos ang nangyaring aksidente kahapon, Oktubre 4, na kinasasangkutan ng tatlong sasakyan sa bayan ng Manjuyod Negros Oriental.
Sugatan sa insidente ang dalawang indibidwal ng lulan ng isang motorsiklo na lalaking nasa legal na edad at isang 12 taong gulang.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PLt Stephen Jaynard Polinar, Public Information Officer ng Negros Oriental Police Police Provincial Office, sinabi nito na batay sa inisyal na imbestigasyon, patungo sa timog na bahagi ang L-300 van at ang motorsiklong sinasakyan ng mga biktima.
Bigla pang pumasok sa inner lane ang motorsiklo kaya aksidente nitong nabangga ang L-300 van kaya tumilapon sa kalsada ang mga sakay nito.
Aksidente namang nasagasaan ng isang paparating na van-for-hire ang drayber ng motorsiklo na nagresulta sa pagsalpok nito sa ilalim ng bumper ng sasakyan na nagdulot ng malubhang pinsala sa katawan nito.
Agad namang isinugod sa pagamutan ang mga biktima ngunit binawian ng buhay ang dalawa sa mga ito.
Sinabi pa ni Polinar na patuloy ang kanilang isinagawang imbestigasyon upang matukoy ang drayber ng van-for hire na agad ding tumakas matapos ang insidente.
Tumanggi naman itong pangalanan ang mga biktima dahil sa bago umanong protocol ng pulisya kung saan pinagbawalan silang pangalanan ang mga biktima at suspek lalo na’t may mga menor de edad na sangkot at para mabigyan na rin ang mga ito ng privacy.
Dagdag pa nito na hinihintay pa nila kung magsasampa ba ng kaso ang pamilya ng namatayan, pero sa ngayon aniya, ay binibigyan muna nila ito ng panahon para magluksa.
Sakaling desidido itong magsampa ng kaso ay handa naman umano silang tumulong.