-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Umabot na sa dalawa katao ang nasawi habang nasa mahigit 40 bahay ang nasira dahil sa pananalasa ng baha at landslide sa Upper Ipuan, Barangay Poblacion sa bayan ng Pres. Roxas, Cotabato.

Ito ang kinumpirma ni Ms. Joriemae Balmediano, information ng office of the Civil Defense sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Kinilala ang dalawang nasawi na sina Jeniffer Layam Furtunado, 44 anyos, dalaga at residente ng Purok 9-A, Barangay Poblacion, na tinangay ng baha kasama ng kanilang bahay at isang Luzviminda Munes Dubria, 68 anyos, may asawa at residente din ng nabanggit na lugar, na tinangay din ng baha habang nasa loob ng kanilang bahay.

Maliban dito, may dalawang bata ang naisalba matapos na mapaulat na natangay ng malakas na pagragasa ng landslide.

Sa ngayon ayon sa alkalde nasa mahigit 2000 pamilya na sa nabanggit na bayan ang apektado nga kalamidad habang nasa 43 ang mga bahay na nasira.

Anim na pamilya ang pansamantalang nanunuluyan ngayon sa evacuation center ng munisipyo habang karamihan ay pansamantalang nakisilong sa mga kaanak.

Agad naman na nagpaabot ng paunang tulong ang LGU sa mga apektadong pamilya na sinalanta ng baha at landslide.

Samantala, isang resort din sa bayan ang totally wash-out bunsod ng landslide.
Sa ngayon, inaalam pa ang kabuuang pinsala ng kalamidad sa nabanggit na bayan.

Napag-alaman na maliban sa President Roxas apektado din ng baha ang iba pang mga bayan sa Cotabato province.

Nakaapekto sa Mindanao ang easterlies na nagdala ng mga pagbuhos ng ulan.