-- Advertisements --


TUGUEGARAO CITY- Isa ang kumpirmadong nasawi habang tatlo ang sugatan matapos madaganan ng puno sa pananalasa ng Bagyong Florita sa lalawigan ng Cagayan.

Kinilala ang nasawi na si Rogelio Bernardino, 63-anyos at residente ng Brgy. Abariongan Ruar, Sto. Niño, Cagayan.

Ayon kay PMAJ Norly Gamal, hepe ng PNP-Sto Niño, narekober ng kanyang tiyuhin ang bangkay ng biktima kahapon ng umaga, August 24 na nadaganan ng puno ng caimito habang ito ay nagsasagawa ng clearing sa mga punongkahoy na natumba malapit sa kanyang bahay.

Nabatid na galing ang magtiyuhin sa pag-ani ng kanilang pananim na mani at bandang hapon sa gitna ng malakas na hanging dala ng bagyo ay nagpaalam ang biktima para umuwi na ilang metro lang ang layo sa bahay ng kanyang tiyuhin.

Bagamat pinigilan ay nagpumilit umano ang biktima na umuwi at kinabukasan na nang makita ang bangkay nito.

Samantala, kinukumpirma pa kung typhoon related ang narekober na bangkay ng isang lalaki sa Cagayan river sa bahagi ng brgy Tucalana, Lallo.

Tatlo naman ang naitalang nasugatan sa pananalasa ng bagyo matapos madaganan ng mga sanga ng punongkahoy sa Tuguegarao City, Enrile at Allacapan.

Aabot naman sa 3,700 na pamilya o mahigit 12,000 na indibidwal ang naapektuhan ng bagyo mula sa 153 na barangay.

Ayon kay Rueli Rapsing ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), nakabalik na sa kanilang tahanan ang karamihan sa mga evacuees na inilikas matapos pasukin ng tubig ulan ang kanilang kabahayan at sa banta ng landslide.

Sa ngayon ay umakyat na sa P194.3 milyon ang inisyal na halaga ng pinsala ng bagyo sa agrikultura habang P191.5 milyon ang inisyal na halaga ng pinsala sa livestock.

Matatandaan na sa kasagsagan ng bagyo, itinaas sa Signal No. 3 ang Cagayan na nakaranas ng tuloy-tuloy na malakas na pag-ulan na may kasamang malakas na hangin na nagdulot ng pinsala sa mga pananim na mais at palay, at maging sa palaisdaan.

Bagamat nakalabas na ang bagyo sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ay patuloy parin ang ginagawang monitoring sa probinsya dahil mataas parin ang lebel ng tubig sa Buntun water gauging station sa Tuguegarao City na lagpas pa sa limang metro at patuloy namang nang bumababa.

Samantala, isa rin ang namatay sa Pinukpuk, Kalinga matapod na madaganan din ng nabuwag na punongkahoy noong kalakasan ng hangin at ulan noong August 23.

Kinilala ni PLT Alfred Faed ng PNP Pinukpuk ang biktima na si Francis Bitanga.

Una rito, natulog si Bitanga kasama ang kanyang pinsan sa isang kubo sa kanilang kaingin noong August 22 at nang pauwi na ang biktima kinabukasan ng umaga ay hindi na ito nakarating sa kanilang bahay matapos na madaganan ng natumba na punongkahoy malapit sa isang batis.

Sinundan ng kanyang pinsan ang dinaanan ng biktima matapos na tumawag sa kanya ang misis na hindi pa umuuwi ang kanyang asawa.

Dito ay nakita niya na nadaganan ng punongkahoy si Bitanga kaya agad siyang tumawag ng tulong at iniuwi ang wala ng buhay na biktima na nagtamo ng fracture at sugat sa kanyang ulo na dahilan ng kanyang agarang pagkamatay.