LEGAZPI CITY – Nagpaalala ang mga pulis sa pagsunod sa mga ipinapatupad na police procedures kakabit ng pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa nalalapit na halalan.
Ito ay matapos na mauwi sa shootout ang pag-iwas sa isinagawang Commission on Elections (Comelec) checkpoint ng dalawa katao sa Brgy. Salvacion, Daraga, Albay.
Kinilala ang mga suspek na sina Glenn Abellano at Leo Esquivel na pawang residente ng Legazpi City.
Ayon sa Daraga Municipal Police, imbes na huminto ang dalawa para sa checkpoint, mabilis pang pinatakbo ng mga ito ang motorsiklo.
Dahilan upang habulin ang mga ito ng mga tauhan ng pulis na nagsasagawa ng checkpoint.
Nang malapit nang ma-corner ang dalawa sa bahagi ng Brgy. Salvacion, bumunot umano ng armas ang backride at ipinutok sa mga pulis.
Gumanti rin ng putok ang mga otoridad kaya’t nagtamo ng mga tama ng bala ang dalawa na dahilan ng kanilang kamatayan.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang caliber 38 na baril at ilang sachet ng pinaniniwalaang iligal na droga.