-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Patay ang dalawang kasapi ng Dawlah Islamiyah SOCCSKSARGEN-KATIBA at ISIS-inspired local terrorist group sa isinagawang police operation sa bayan ng Polomolok, South Cotabato.

Ito ang kinumpirma ni P/Lt. Redin Cuevas, deputy station commader for operation ng Polomolok PNP sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Kinilala ang mga nasawi na sina Jourhan Utap, finance officer ng Dawlah Islamiyah at kasama nitong si Mohaimeen Utap na kapwa residente ng Purok 4, Sitio Bio, Brgy. Lapu, Polomolok, South Cotabato.

Ayon kay Cuevas, nanlaban umano ang mga suspek nang isilbi ng mga otoridad ang apat na warrant of arrest sa kasong murder, illegal drugs at pagbebenta ng mga illegal na baril at ekplosibo.

Dinala pa sa pinakamalapit na ospital ang mga suspeks ngunit tuluyang binawian ng buhay.

Narekober sa mga ito ang isang unit ng cal.45 pistol, isang unit cal. .38 revolver, at limang sachets ng suspected shabu.

Napag-alaman na ang nasabing finance officer ay supplier din daw ng matataas na kalibre ng baril kay KAPA founder Joel Apolinario.