ROXAS CITY, Capiz – Dead on the spot ang dalawang lalaki na sakay sa motorsiklo, matapos ang aksidente sa national highway ng Barangay Tinaytayan, Dumarao, Capiz.
Kinilala ang mga namatay na sina Lemar Venus, 24, driver ng Suzuki raider 150 at angkas nito na si Fritz Alenain, 19, mga residente ng Brgy. Bungsuan, sa nasabing bayan.
Base sa imbestigasyon ng mga kapulisan sa Dumarao MPS, nanggaling sa isang sayawan ang dalawang lalaki at pauwi na sana sa kanilang bahay, pasado alas-11:00 ng Huwebes ng gabi, ngunit nang-agaw umano ang mga ito ng linya, at bumangga sa kasalubong na cargo truck na minamaneho ni Joel Mariano, 58, at residente ng Agboy Norte, Leon, Iloilo.
Dahil sa lakas ng pagkabangga, tumilapon ang mga sakay at sinasabing pumailalim pa ang mga ito ng truck.
Nagresponde ang Special Rescue Unit ng BFP-Dumarao, ngunit wala ng buhay ang mga naaksidenteng motorista.
Napag-alamang nakainom ng alak ang dalawang sakay ng motorsiklo.
Sa ngayon, nakakustodiya ang driver ng truck sa mga kapulisan para sa proper disposition.