CENTRAL MINDANAO- Binawian ng buhay at hindi na umabot ng pasko ang dalawa katao sa anti-illegal drugs operation sa probinsya ng Cotabato.
Nakilala ang mga napatay na sina Reynold Delfin Adug, 49 anyos, may asawa at Abdul Angeles Salipada alyas Mama, 27, may asawa at mga residente ng Barangay Marbel Matalam North Cotabato.
Ayon kay Cotabato Police Provincial Director Colonel Henry Villar na isisilbi lang sana ng raiding team ang search warrant sa bahay ng dalawa dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 pero natunugan ng mga suspek ang paparating na mga otoridad kaya nagkaputukan sila.
Naisugod pa sa ospital sina Adug at Salipada pero ideneklara itong dead on arrival ng mga doktor nang magtamo ng maraming tama ng bala sa ibat-ibang parte ng kanilang katawan.
Narekober ng mga pulis ang mga baril,shabu at mga drug paraphernalia sa bahay ng mga nasawi.
Ngunit sa pahayag ni Jhon Rey anak ni Adug na mahimbing ang kanilang tulog nang bigla na lamang pasukin ng mga pulis ang kanilang tahanan.
Tinalian aniya siya sa kamay habang pinadapa ang kanyang ama at pinagbabaril ng mga pulis.
Itinanggi rin nito na nanlaban ang kanyang ama.
Samantala, nanindigan naman ang Matalam PNP na hindi rin totoo ang paratang ng kaanak ng napatay na suspek.
Sa ngayon ay inihanda na ng pamilya ng mga nasawi ang kanilang reklamo laban sa mga pulis sa Commission on Human Rights.